Category Archives: Hiking Experiences

Na-engkanto sa Pico De Loro

“Dens, gusto mo umakyat tayo ng Pico de Loro ngayong weekend tapos overnight tayo sa beach?”

Andito na naman ‘tong mga kaklase kong istorbo oh, sa isip ko, pero teka lang, bakit parang gusto ko ngang umakyat ulit.

“Sige, tara!”, ang kaagad na namutawi sa aking mga bibig ng mga oras na ‘yon. Sa madaling salita, magkakaroon na ako ng pangalawang akyat kasunod ng aming binagyong Mt. Batulao noong Hulyo 2010.

August 14, 2010, araw ng Sabado, ganap ng alas-sais ng umaga at gaya ng una nang napag-usapan, nagkita-kita kami ng aking mga kaklase sa may KFC Baclaran para doon sumakay patungong Ternate, Cavite, kung saan matatagpuan ang sabi nila ay Mt. Palay-palay o mas kilala sa tawag na Pico de Loro. Medyo napangiti pa ako pagdating ko sa lugar dahil ang iba sa amin, palibhasa ay wala ring gaanong idea sa mountaineering, ay tila ba mamamasyal lang sa mall o parke dahil sa kanilang mga daladalahan at kasuutan.

Late na kami nakaalis ng Baclaran dahil late nang makarating ang isa naming kasama sanhi (daw) ng trapik. Medyo marami kami kumpara sa orihinal na bilang nang sasama, kaya naman napagkasunduan ng grupo na umarkila na lang ng jeep (mini-bus style ng Cavite) para kami-kami din lang ang nakasakay at mas malayang makapagkulitan sa byahe. Saglit kaming tumigil sa may 7-11 tapat ng SM Bacoor para daanan ang dalawang kakilala ni Raffy na mga mountaineer din at magsisilbing mga guide namin sa pag-akyat.

FB_IMG_1455243241440

Picture muna bago pa simulan ang akyat.

Pasado alas-nueve na nang marating namin ang DENR ng Mt. Palay-palay, at matapos makapag-ayos ng gamit at makapag-register ay nagsimula na kaming maglakad paakyat ng Pico de Loro. May kadulasan ang daan noong araw na ‘yon dahil madalas na umuulan daw sa lugar lalo pa at panahon na ng tag-ulan ang buwan ng Agosto. Makalipas ang kalahating oras ay narating namin ang isa pang bahay na sinasabing ‘yon ang caretaker ng lupain na tinatahak namin paakyat ng bundok kung saan ay required na magbayad ng P20 ang bawat dadaan don.

Nagpahinga lang kami ng konti sa bahay na iyon tapos tumulak na ulit kami paakyat. Sumaglit na rin ang grupo sa kaisa-isang waterfalls sa lugar, at tuloy makapananghalian na rin muna bago pa tumuloy sa summit.

FB_IMG_1455242736040~2

Dahil sa halos lahat kami ay bago pa lang na umaakyat, aminado kami na mabilis kaming hingalin at mas mabagal lang ang aming lakad kaya naman halos ala-una na ng hapon nang marating namin ang summit ng Mt. Palay-palay. Umaambon pa ng dumating kami doon kaya naman may kakapalan ang fog na sumalubong sa amin. Bandang alas-dos, matapos na makapagpahinga at makapagpicture ay minabuti na naming umalis kahit hindi pa nakaakyat sa tinatawag nilang monolith para hindi kami kapusin ng oras pababa naman ng Nasugbu, Batangas kung saan kami magbe-beach camp at magpapalipas ng gabi.

Habang pababa kami ng Nasugbu galing ng Pico de Loro, may tila ba kakaibang nangyari sa amin. Sa hindi namin maipaliwanag na dahilan ay inabot kami ng halos limang oras bago pa namin marating ang kalsadang nasa bahagi ng Nasugbu, malayo ito sa sinasabi ng aming guide na normal na dalawang oras lang daw dapat. Naisip tuloy namin na baka napaglaruan kami lalo pa at naabutan na rin kami ng dilim sa daan.

FB_IMG_1455242095584.jpg

Saglit kaming nakapagpahinga pagdating sa kalsada at dumating na rin ang jeep na inarkila ng aming mga guide na magdadala sa amin sa lugar na pansamantala naming pagtitigilan ng gabing ‘yon.

Kinabukasan, kahit nananakit pa ang katawan at binti ng karamihan sa amin, ay maaga kaming gumising para makapaghanda ng almusal at tuloy makapag-ayos na rin ng mga gamit para sa aming dapat sana ay overnight beach camping na naging madaliang swimming. At para hindi naman masayang ‘yong pagbitbit ng mga tent, minabuti na lang namin na itayo na ‘yon pansamantala habang andoon kami sa lugar.

Masaya ang lakad naming ‘yon, na sa kabila ng naranasan namin, ay nangibabaw sa maliit na buhanginan na ‘yon ang masasaya naming tawanan na hindi batid ang pagod na nararamdaman.

Salamat sa dalawang mababait na mountaineers na naka-base sa Cavite at nagsilbing guide namin sa lakad naming ‘yon dahil sa kanilang pag-aasikaso sa amin lalo na at alam nilang bago pa lang kami sa ganoong aktibidad. Syempre pa, hindi magiging matagumpay ang lakad na iyon kung di sa mga makukulit na nakasama ko na sina Raffy, Phillip, MC, Erwin, Megan, Hydee, Sheena, Weng, at Ara.

Hapon na nang Linggo ng lisanin namin ang maganda at payak na lugar na ‘yon pabalik nang Manila, baon ang isa na namang masaya at hindi makakalimutang karanasan sa piling ng aking mga kaibigan at mga mababait, kwela at accommodating na taga-Nasugbu na nakahalobilo namin sa maikling panahon na pamamalagi namin sa lugar na ‘yon.

Mt. Batulao, ang Unang Akyat

Ano nga ba ang nangyari bakit ako nahilig umakyat?

Bilang isang probinsyano, ordinaryo na lang sa amin ‘yong salitang aakyat ng bundok kasi don ka naman talaga dadaan kapag may pupuntahan kang kamag-anak, kaibigan o minsan ay ilang mahahalagang okasyon.

Pero noong nakaraang ika-18 ng Hulyo, 2010 araw ng Linggo, may isang pangyayari na nagbukas sa akin sa tinatawag nilang libangan na ‘mountaineering’ kuno.

Pagkatapos ng huli naming klase noon sa Adamson Law School araw ng Sabado, nagplano ang mga kaklase ko na sina Raffy (na s’yang may pakana ng lakad), Phillip, Weng, Erwin at ate Tina na umakyat ng bundok kinabukasan, araw ng Linggo. Ang totoo, wala naman talaga sana akong plano na sumama, pero ewan ko ba, bigla akong nagising ng alas-kuwatro ng umaga nang araw na iyon at pagkamulat ko, agad na sumagi sa isip ko na magkikita sila ng alas-singko ng umaga sa may Jollibee malapit sa istasyon ng LRT sa Buendia.

Matapos maligo, suot ang isang maong na short at ordinaryong t-shirt at bitbit ang isa pang damit na pamalit daw, ay walang pag-aalinlangan na tinungo ko ang Jollibee sa may LRT-Buendia ng umagang iyon.

Nagkagulatan man pero ramdam ko na masaya silang makita ako doon at makasama sa lakad na ‘yon na sa una ay inakala kong isang kahibangan. Matapos na masiguro ni Raffy na kumpleto na kami ay tumulak na kami patungong Sta. Rosa Exit sa Laguna para doon naman i-meet si ate Tina. Pagdating sa napagkasunduang lugar ay ilang minuto lang kaming naghintay at dumating na sya at laking tuwa pa namin dahil may dala siyang sasakyan na nagsilbing service sa aming lakad na ‘yon.

LMS1

Kitam, mukha lang kaming mamamasyal.

Ang aming destinasyon, Mt. Batulao sa Nasugbu, Batangas.

Bago kami tumuloy patungong Mt. Batulao ay nagkasundo muna kami na dumaan ng simbahan sa may Tagaytay para manalangin at humingi ng gabay sa gagawin naming pag-akyat, tuloy makapag-almusal na rin muna doon.

LMS2 LMS5

Pasado alas-diyes na ng umaga kami nakarating sa may jump-off ng Mt. Batulao. Bumili lang kami ng ilang makakain at inumin at nagsimula na kaming maglakad paakyat sa bundok na unang napamahal sa akin.

LMS4

Makalipas ang mahigit isang oras ng paglalakad, napadaan kami sa isang bahay na nasa gilid lang ng daan na nagtitinda ng buko at saglit lang sana kaming titigil para makainom ng sabaw at makapagpahinga na rin ng konti. Sa hindi inaasahan, bigla namang bumuhos ang malakas na ulan kaya nagdesisyon ang aming lider na si Raffy na doon na kami mananghalian habang hinihintay na tumila ang ulan.

LMS3

Oppss… hindi ko po bag yan. 🙂

LMS6

Sa pagkakataong ‘yon ay nagkaroon kami ng konting oras na makakuwentuhan ang pamilyang nakatira doon at ang nakakatuwa pa ay nakipagpalit kami ng mga dala naming ulam na de lata sa noon ay nakahanda nilang pritong tamban, na malugod naman nilang tinanggap.

Halos alas-dos na ng hapon ng tuluyang tumila ang ulan kaya hindi na kami nag-aksaya ng oras at nagpaalam na kami sa napakabait na pamilyang nakatira sa bahay na pinagtigilan namin, nagbabakasakaling marating namin ang summit at makababa rin agad bago pa man dumilim.

Sa gitna na aming pag-akyat ay muli na namang bumuhos ang malakas na ulan kaya lalong bumagal ang aming ‘pacing’. Ganoon pa man, sinisiguro namin na sa bawat mga sandali nang aming paglalakad ay puno ng masasayang alaala patunay dito ang ilang mga larawan na hindi namin pinalagpas na kuhanan.

LMS14

Erwin: Dilaan ko na lang ‘to, ang gutom eh.

LMS10

Kanya-kanyang kagat ha.

LMS8 LMS9 LMS11 LMS12 LMS13 LMS16

Pagdating namin sa may registration sa ika-walong tuktok na sinasabi, inadvice kami ng tagapagbantay doon na mas makabubuting wag na kaming tumuloy pa paakyat ng summit dahil sa pinangangambahang posibleng pagkakaroon ng landslide dulot na rin ng malakas na ulan. Ngunit dahil sa kagustuhan naming matapos ang akyat naming ‘yon, nagpaalam ako, kasama ang dalawa sa kasama ko, kung pwedeng tumuloy kasabay ng pangakong mag-iingat kami sa pag-akyat, na pinayagan naman ng tagapagbantay doon.

Gaya ng pinangangambahan ni kuya, may nakita nga kaming maliit na landslide sa may malapit sa aming dadaanan kaya kaagad kaming nagdesisyon na wag na lang tumuloy at bumalik na lang sa may registration at tuloy makapaghanda na ring makababa bago pa man kami abutan ng dilim lalo pa at medyo madulas na ang daan.

LMS7

May kukunin lang talaga kami sa kaibigan namin. 🙂

LMS15

Alas-singko nang marating namin ang jump-off kung saan namin iniwan ang sasakyan. Agad kaming naglinis nang aming mga sarili at nagbihis saka kami tumulak pabalik ng Manila. Syempre pa, dumaan muna kami sa Mushroom Burger Restaurant sa may Tagaytay, na noong umaga pa lang ay pinag-usapan na naming dadaanan, para makapaghapunan. Pagkatapos kumain ay bumyahe na kami pauwi baon ang isang masayang karanasan na iyon na siyang dahilan kung bakit hanggang ngayon, makalipas ang ilang taon, ay umaakyat pa rin ako umaraw man yan, umulan o may bagyo.